LEGAZPI CITY – Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga mag-asawa na huwag idaan sa init ng ulo ang mga hindi pagkakaintindihan.
Kasunod ito ng nangyaring away ng mag-asawa sa Brgy. Dapdap, Bulusan, Sorsogon na nauwi sa pananaksak ng mister sa sariling misis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLt. Alwin Latanio, hepe ng Bulusan PNP, una rito habang natutulog ang mister na si Julius Gallanosa Tan, 41-anyos ng maalimpungatan dahil sa ingay ng misis na si Lorna Galos Derla, 21-anyos matapos pagalitan ang dalawang taong gulang na anak.
Sinasabing ito ang napagbuntunan ng ina dahil wala umanong trabaho ang asawa, laging tulog at hindi man lang makapaghugas ng mga pinggan.
Subalit dahil naalimpungatan at nainis sa ingay ng misis, nakuha nitong saksakin ang asawa ng isang beses na agad namang nakatakas at dumiresto sa Bulusan Rural Health Unit.
Matapos ang insidente, pumunta rin si Julius sa Bulusan PNP at boluntaryong isinuko ang sarili at isinurender ang kutsilyong ginamit.
Pinalaya naman ang lalaki matapos ang reglamentary period dahil hindi nagsampa ng kaso ang misis at pamilya nito.
Sa kasalukuyan, nakauwi na ang misis sa kanilang bahay habang nagpapagaling at kasama pa rin sa iisang bubong ang asawa.