LEGAZPI CITY – Kasado na ngayong araw ang pagsasagawa ng tigil-palaot ng grupo ng mga mangingisda dahil sa panibago na namang big time oil price hike.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pamalakaya spokesperson Ronnel Arambulo, ang naturang hakbang ay bilang protesta sa kawalan ng aksyon ng pamahalaan sa serye ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Maraming mga mangingisda ang makikiisa sa tigil-palaot partikular na sa Manila Bay, Laguna de Bay at iba pang bahagi ng bansa.

Pagbibigay diin ni Arambulo, lunod na ang mga mangingisda sa napakataas na presyo ng produktong petrolyo.

Marami na aniya ang napilitang tumigil sa pagpalaot at naghanap na lamang ng ibang mapagkakakitaan.

Aniya, kung tutuusin ay wala na talagang kikitaaan dahil sa presyo pa lang ng gasolina ay lugi na.

Patuloy ang panawagan ng grupo sa pagsuspindi sa excise tax at pagbasura sa Oil Deregulation Law upang magkaroon ng karapatan ang gobyerno sa pagkontrol sa presyo ng produktong petrolyo.