LEGAZPI CITY – Patay ang isang miyembro ng rebeldeng grupo matapos ang nangyaring engkwentro sa Brgy. Magsaysay, Esperanza, Masbate.

Sa impormasyon mula sa Masbate Police Provincial Office, nasa kalagitnaan ng inilatag na internal security operation ang mga tauhan ng Masbate 2nd Provincial Mobile Force Company, 96 IB, at Esperanza PNP ng makasagupa ang hindi pa malamang bilang ng mga armadong grupo.

Unang nagpaulan ng putok ng bala ang rebeldeng grupo at agad namang nakadepensa at nakipagpalitan ng putok ang mga operatiba.

Nagresulta ito sa pagkamatay ng isang hindi pa nakikilalang miyembro ng teroristang NPA at pagkakumpiskar ng mga kagamitan.

Nakuha sa pinangyarihan ang isang KG9 na may magasin at kargado ng 10 bala; isang hand grenade, isang grenade launcher, isang bomb detonator, mga bala ng iba’t-ibang klase ng kalibre ng baril at iba pa.

Mas pinaigting pa ng kapulisan ang pagpapatrolya sa mga kalapit na lugar para sa posibleng pagkakaaresto sa mga tumakas na rebelde.