LEGAZPI CITY – Naniniwala si House public accounts committee chairman Rep. Mike Defensor na may pondo pa ang Philippine Health Insurance Corporation.
Sinabi ni Defensor sa Bombo Radyo Legazpi na kahit marami nang pera ang nawala sa maling polisiya dahil sa “all case rates”, malaki ring halaga ang pumapasok kahit walang ginagawa ang mga ito.
Taunan aniya ang pasok ng P120 billion habang naglaan pa ng P70 billion ang pamahalaan ngayong taon.
Sa panig ng imbestigasyon, tinitingnan lamang ang pagwaldas at maling gamit ng naturang pondo.
Maisasaayos lamang umano ang isyu ayon kay Defensor kung matutukoy ang pinagmumulan nito habang darating din ang panahon na makakasabay ang Pilipinas sa mga magagandang health care system sa iba’t ibang bansa.
Sa isyu naman ng mga humihiling na mabuwag na ang PhilHealth, sinabi ni Defensor na hindi pa makakapagsalita ng pinal sa ngayon.