LEGAZPI CITY – Pinag-iingat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang publiko sa posibilidad ng phreatic eruption sa Bulkang Bulusan sa Sorsogon.
Sa mga nakalipas na oras, nakapagtala ito ng 89 volcanic earthquakes na sinasabing pinakamataas nang seismic activity ng bulkan mula nang muling isailalim sa Alert Level 1 status.
Ayon kay PHIVOLCS volcanologist Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, karamihan sa mga naitalang lindol sa bulkan ay high-frequency quakes na iniuugnay sa hydrothermal activity o pagpapakulo ng tubig sa ilalim nito.
Wala ring na-detect na sulfur dioxide emission sa pinakahuling pagsukat noong Mayo 26 habang patuloy na naoobserbahan ang mahinang pagbuga ng puting usok mula sa mga aktibong vents.
Sinabi pa ni Alanis, bahagi umano ito ng pag-aadjust ng bulkan subalit hindi masabi kung may gumagalaw na magma sa ilalim.
Dahil walang gaanong precursor bago ang isang phreatic eruption, mahigpit ang paalala na iwasan ang pagpasok sa 4-kilometer danger zone ng Bulusan.