LEGAZPI CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga nagpahayag ng pagbabalik-loob sa gobyerno matapos na walo pang kasapi ng Militia ng Bayan ang sumuko sa Palanas, Masbate.
Sa ulat ng 9th Infantry Division ng Philippine Army, kasamang isinuko ng mga ito ang iba’t ibang kalibre ng armas kagaya na lamang ng M16 rifle, homemade shotgun, anim na caliber .38 revolvers, tatlong caliber .357 pistols at mga bala.
Sumuko ang mga ito sa tropa ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army na nagsasagawa ng security operations sa Barangay San Isidro.
Matatandaang dalawang araw lamang ang nakakalipas nang 15 rebelde naman mula sa bayan ng Milagros ang naunang sumuko.
Samantala sa kaparehong araw, nakatanggap ng impormasyon ang mga militar na nasa lugar umano ang isang alyas “Atibagos” na aktibong miyembro ng Larangan 2, Komiteng Probinsya 4 ng Bicol Regional Party Committee (BRPC) na isinasangkot sa illegal possession of firearms and explosives.
Hindi na naabutan ng tropa si Atibagos sa bahay nito subalit nakumpiska naman ang isang caliber .357 pistol, anti-personnel mine, gadgets, dalawang uniporme ng Philippine Army at Philippine Air Force, signal booster, at banners ng mga makakaliwang grupo.
Sa pagsusuri sa nakuhang bomba sa bahay ni Atibagos, nag-match ito sa pampasabog na ginamit sa Uson na ikinasawi ng dalawang sibilyan habang lima pa ang nasugatan.