LEGAZPI CITY – Umabot sa 6,000 na abaca farmers ang naapektuhan ng mga pag-uulan nitong mga nakalipas na araw sa lalawigan ng Catanduanes.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Philippine Fiber Industry Development Authority Provincial Officer Bert Lusuegro, ang naturang datos ay 30% ng kabuuang bilang ng abacaleros sa island province.

Karamihan sa mga ito ay hindi nakapag-strip lalo na ang mga malalayo sa plantation area dulot ng walang patid pag-uulan.

Ayon kay Lusuegro, halos buong Catanduanes ang apektado ng sama ng panahon subalit mayroon pa rin na mga abaca farmers ang nagpumilit na mag-harvest.

Aniya, problema lang ang pagbilad ng mga naaning abaca.

Sinabi ng opisyal na kinuha na ang listahan ng mga apektadong abacaleros kung saan ipinadala na sa pamahalaang panlalawigan para sa validation.

Oras na ma-validate ay tiyak na makakatanggap ng ayuda ang mga apektadong abaca farmers.