
LEGAZPI CITY – Umabot na umano sa 50% ng mga mangingisda sa bansa ang tumigil na sa pangingisda dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) Secretary General Salvador France panayam ng Bombo Radyo Legazpi na karamihan sa kanila ay nalulugi na dahil hindi bumabalik ang kanilang kapital.
Batay sa kanyang mga pagtatantya, ang mga ordinaryong mangingisda ay kumikita na lamang ng P150 sa kanilang anim na oras na pangingisda at depende pa ito sa dami ng isdang kanilang nahuhuli.
Nilinaw din niya na ang ilan sa kanila ay tumigil sa paglalayag hindi dahil sa pagod na sila sa paglalayag kundi dahil hindi na nila kayang bayaran ang mataas na presyo ng gasolina at naghahanap na lang ng ibang mapagkakakitaan.
Kinalampag rin ng opisyal ang mga kinauukulang ahensya tulad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ang Department of Agriculture (DA) para sa kanilang mabagal na pagtulong sa kanilang sektor na apektado ng krisis sa langis.
Ikinalungkot din niya ang nasayang na toneladang isdang tamban sa bayan ng Bulan, Sorsogon dahil sa kakulangan ng mga mamimili na maaaring naiwasan sana kung nagtayo ang gobyerno ng mga pasilidad pagkatapos ng ani para sa mga mangingisda.
Nanawagan si France sa gobyerno na bilisan ang tulong sa mga mangingisda, tumigil man sa pangingisda o hindi, pakinggan ang kanilang mga hinaing at alisin ang buwis sa mga produktong petrolyo upang maibsan ang pasanin hindi lamang ng kanilang sektor kundi pati na rin ng buong bansa.










