LEGAZPI CITT – Inaalam pa hanggang sa ngayon ang dahilan ng nangyaring sunog sa Purok 6, Barangay Kilicao, Daraga, Albay kung saan limang miyembro ng pamilya ang namatay.

Kinabibilangan ito ng mag-asawa at tatlo nilang anak na edad 9-anyos, 5-anyos, at labing isang buwang sanggol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SInsp. Amor Laguilles, Fire Marshall ng Daraga Fire Station, maraming tinitingnang anggulo ang mga awtoridad sa posibleng pinagmulan ng sunog.

Nakatakda rin na isailaim sa otopsiya ang limang bangkay upang malaman kung mayroong nangyaring foul play sa nasabing insidente matapos na makitaan ng bahid ng dugo sa banyo ng bahay.

Samantala, tiniyak ng Department of Social Welfare and Development Bicol na tutulungan ang 14-anyos na anak na tanging nakaligtas dahil sa bahay ng lola nakitulog ng mangyari ang insidente.

Sa hiwalay na panayam kay Claudio Villa-real Jr., Chief ng Disaster Response Management Division ng Social Welfare Bicol, nakausap na ang 14-anyos na menor de edad at lola nito para sa psychosocial debriefing upang matulungan na malagpasan ang naranasang traumatic na pangyayari.

Nakatakdang bigyan ng ahensya ng family food packs, kitchen kit, family kit, sleeping kit, laminated sacks asin iba pa ang naulilang pamilya ng mga biktima.

Ayon kay Villareal, tutulungan din ang lola sa pag-asikaso ng mga dokumento para sa burial assistance ng limang biktima.

Nangako naman ang tanggapan na tutulong at magbibigay ng suporta sa pag-aaral ng 14-antos na nakaligtas sa nasabing nakakalungkot na trahedya.