LEGAZPI CITY – Lumabas sa isang pag-aaral na isinagawa ng Marine Advocacy group na Oceana, umaabot sa 45 milyong kilo bawat taon ang dami ng isdang nawawala sa Pilipinas.
Ayon kay Oceana Philippines Acting Vice President Atty. Liza Osorio sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pinakaapektado ng pagkawala ng isda ang 2.5 milyong mangingisda sa buong bansa matapos magtala ng taunang pagbaba mula 2.6 milyong metrikong tonelada noong 2010 patungong 1.9 milyong metrikong tonelada noong 2023.
Kanilang sinuri ang kasalukuyang sitwasyon ng karagatan pagkatapos ng implementasyon ng Republic Act No. 10654 o ang Fisheries Code ngunit kanilang nadiskubre na hindi ito nakatulong bagkus umaabot sa P2,500 hanggang P7,000 ang nawawala sa buwanang kita ng mga municipal fishers.
Idinagdag din niya ang datos sa 2017 National Stock Assessment Program report ng Pamahalaan kung saan 88% ng mga fish stocks ay itinuturing na overfished at depleted na isang nakababahalang senyales lalo na para sa kalimitang isda tulad ng sardinas at galunggong.
Ipinunto din ni Osorio na ang mga closed fishing season na ipinapatupad sa iba’t ibang munisipalidad ay hindi sapat upang mabawasan ang nawawalang isda at maibalik ang overfish stocks habang binigyang-diin ang epekto ng ilegal na pangingisda na laganap lalo na sa Palawan at Tawi-Tawi.









