LEGAZPI CITY – Plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Legazpi City na mamahagi ng 1-time electric bill subsidy sa mga rehistradong residential meter ng Albay Electric Cooperative (ALECO).
Ayon kay Mayor Hisham Ismail sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang layunin nito ay makatulong at mabawasan ang buwanang konsumo ng mga Legazpeño sa gitna ng krisis at tumataas na heat index.
Batay sa kanilang datos, mahigit 44,000 residential power consumers ng lungsod ang maaaring direktang mabawasan ang kanilang bill ng 300 pesos.
Nakatakda rin silang makipagpulong sa pamunuan ng Aleco upang matagumpay na maipamahagi ang nasabing subsidy sa kanilang mga residente.
Umaasa ang opisyal na magsisimula ang 1-time electric bill subsidy sa Abril kapag opisyal nang inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang panukala.
Bukod sa subsidy sa electric bill, magbibigay din sila ng tulong sa mga tricycle driver sa lungsod sa pangunguna ng National Government at ng Department of Social Welfare and Development.
Binigyang-diin din ni Ismail na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pagpapatupad ng batas para sa matagumpay at mapayapang pagdiriwang ng Semana Santa sa Lungsod ng Legazpi.











