LEGAZPI CITY—Tatlo ang patay at isa ang sugatan matapos araruhin ng sasakyan ang isang bahay sa Km. 23, Barangay San Isidro, Castilla, Sorsogon.

Ayon kay Castilla Municipal Police Station, Deputy Chief of Police, Police Captain Larry Vibar, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, matapos matanggap ang ulat ng insidente ay agad silang nagtungo sa pinangyarihan kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection upang magbigay ng asistensya sa insidente.

Batay sa kanilang imbestigasyon, ang sasakyan ay galing sa Metro Manila patungong South Cotabato, ngunit, pagdating sa nasabing lugar, nawalan umano ng kontrol ang driver nito.

Ang unang nabangga ay ang isang 55-taong gulang na lalaki na nakatayo sa labas ng kanyang bahay.

Kasunod nitong nabangga ang isang bahay kung saan natutulog ang 20-anyos at 21-anyos na mag-live-in partner at isang 2-anyos na bata.

Naisugod pa sa ospital ang mag-live-in partner ngunit hindi na ito nailigtas pa, habang nagtamo naman ng mga sugat sa ilang bahagi ng katawan ang 2-anyos na bata.

Dagdag pa ng opisyal, napapikit umano ang driver ng sasakyan habang nagmamaneho hanggang sa mawalan ito ng kontrol.

Gawa rin umano sa light materials ang naturang bahay kaya mabilis itong nasira nang mabangga ng sasakyan.

Samantala, sinabi rin ni Vibar na walang nasugatan sa lulan ng nasabing sasakyan.

Sa kasalukuyan aniya nag-uusap na ang driver at pamilya ng mga biktima para sa gastusin sa pagpapalibing sa kanilang mga kaanak.

Apela ng opisyal sa mga motoristang dumadaan sa bayan ng Castilla na mag-doble ingat sa kanilang pagmamaneho upang maiwasan ang mga ganitong insidente.