LEGAZPI CITY – Magsasampa ng kaso ang Bato Municipal Police Station laban sa tatlong lalaki matapos na maaktuhan na nagsusunog ng mga air filter mula sa mga sasakyan sa Catanduanes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PSSG Renen De los Reyes, Public Information Officer ng Bato MPS, nakatanggap ng tawag ang mga kapulisan mula sa mga dumaraan papuntang San Miguel ng makita ang maitim na usok mula sa nasusunog na mga bagay.
Sa pag responde ng mga otoridad, dito na naaktuhan ang tatlong kalalakihan na sinusunog ang mga air filter mula sa mga sasakyan kasama pa ang ilang mga metal na bagay na may goma sa madamong parte ng lugar.
Naiwasan naman na kumalat pa ang apoy sa tulong ng Bureau of Fire Protection, kung saan maaari umano itong pagmulan ng grass fire.
Sasampahan ngayon ng kasong paglabag sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act ang mga nahuling akusado.
Nagpapasalamat ang Bato PNP sa mga concerned citizen kasabay ng pa-alala na agad ipag-bigay alam sa mga otoridad kung may makikitang iregularidad sa pagsusunog ng basura sa kanilang bayan.