LEGAZPI CITY – Nakapagtala pa rin ng dalawang fireworks related injury sa Sorsogon sa kabila ng ipinatupad na total ban ng paputok sa buong lalawigan sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Nilalayon sana ng hakbang na maipagpatuloy ang malinis na record o zero fireworks related incident.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Regina Gonzalgo, Health Promotion Officer ng Sorsogon Provincial Health Office, sa pagsalubong ng Bagong Taon mayroong mga inihandang fireworks display ang pamahalaang panlalawigan at mga lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan kasi nito hindi na kinakailangan ng mga residente na bumili o gumamit ng mga paputok sa kalsada at maging sa mga bahay.
Ayon kay Gonzalgo, hindi nagkulang ang tanggapan sa pagpapaalala kaugnay sa paggamit ng paputok ilang araw bago sumapit ang Bagong Taon.