LEGAZPI CITY—Inihayag ng state weather bureau na aabot sa dalawa hanggang tatlong bagyo ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong buwan ng Hulyo.
Ayon kay Weather Specialist Jun Pantino, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, bagama’t ang trend ng mga nasabing sama ng panahon ay maaaring mabuo sa itaas na bahagi ng Pilipinas hindi nila inaalis ang posibilidad na maaapektuhan nito ang ilang lugar sa bansa.
Aniya’y dahil sa malakas na hanging habagat ngayong Hulyo, maaaring umabot sa kategoryang Tropical Depression ang mga sama ng panahon na maaaring pumasok sa Pilipinas.
Iginiit din ng opisyal na dahil na rin umano sa epekto ng climate change, hindi nila isinasantabi ang posibilidad ang pamumuo ng mga mas malalakas na sama ng panahon sa Karagatang Pasipiko.
Samantala, patuloy ang babala ng opisyal sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa nararanasang kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat, at pagkulog sa iilang lugar; sinabi rin ni Pantino na patuloy na magsubaybay sa mga anunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa lagay ng panahon.