LEGAZPI CITY – Nakapagtala pa rin ng mahihinang pagyanig sa palibot ng bulkang Bulusan sa Sorsogon kahit pa nasa Alert Level 0 status na ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay April Dominguiniano Resident Volcanologist kan Bulusan Volcano Observatory, nasa 17 volcanic earthquakes ang naitala sa palibot ng nasabing bulkan mula noong Mayo 7.
Binubuo ito ng 11 volcano-tectonic earthquakes na konektado sa rock-fracturing at anim na tornillo events na may volcanic gas sa may paanan ng bulkan.
Ani Dominguiniano, dahil sa nasabing mga paggalaw sa bulkang Bulusan hindi pa rin inaalis ang posibilidad ng steam-driven o phreatic eruption kahit pa nananatili ang Alert Level status nito sa 0.
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan ng Bulusan sa publiko, kagaya ng pagbabawal na pumasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) partikular na sa south-southeastern slopes.
Ipinagbabawal rin ang pagpapalipad ng anumang uri ng aircraft malapit sa bulkan at sa bunganga nito.