
Patuloy ngayong iniimbestigahan ng Tagum City Police Station ang motibo sa pagpaslang sa isang 17-anyos na lalaki sa Bagsakan area ng Tagum Public Market noong Hulyo 8 ng madaling araw.
Ayon sa mga awtoridad, isa sa mga sinusuri nilang motibo ay ang posibleng paghihiganti mula sa mga grupong sangkot sa kaguluhan ng ilang kabataan sa lungsod.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, dalawang anggulo ang kanilang tinitingnan sa ngayon: una, ang posibilidad na gumanti ang mga salarin dahil sa diumano’y pangungulimbat ng biktima sa palengke; at ikalawa, posibleng may alitan ang biktima sa pagitan ng mga gang sa lungsod.
Kinilala ang biktima na si Erwin Legaspi, isang manggagawa sa palengke at residente ng Lopez Compound, Barangay Mankilam, Tagum City.
Nagtamo ng sugat ang biktima sa ibabang bahagi ng kanyang mukha na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Narekober ng mga otoridad sa crime scene ang dalawang basyo ng bala na mula umano sa .45 na kalibreng baril.
Ayon kay PLt. Col. Frederick Deles, OIC ng Tagum PNP, ang biktima ay na-turn over umano ng City Security Unit (CSU) dahil sa paglabag sa curfew.
Dagdag pa ng opisyal, sa isinagawang follow-up investigation, inamin umano ng binatilyong menor de edad na sangkot siya sa pagnanakaw sa isang vendo machine sa loob ng palengke.
Ipinapanawagan naman ngayon ng pamilya sa otoridad ang hustiya sa biktima.