LEGAZPI CITY – Sugatan ang 16 na katao sa nangyaring pagsabog sa isang gusali sa Barangay Pinaric, Legazpi City.
Ayon kay Pltcol. Anthony Rey Villanueva ang hepe ng Legazpi City Police Station, nagsasagawa ng blessing sa isa sa mga stall na kakabukas pa lamang sa Cal Courtyard building ng bigla na lamang na marinig ang isang malakas na pagsabog.
Nagtamo ng mga sugat, paso at galos sa katawan ang mga biktima kabilang na ang mismong pari na nangunguna sana sa isinasagawang blessing.
Agad naman na rumesponde sa lugar ang mga ambulansya, tauhan ng Bureau of Fire Protection at Philippine National Police na tumulong sa pagsugod sa mga biktima sa ospital.
Sa ngayon pinawi na ni Villanueva ang pangamba ng publiko dahil lumalabas sa kanilang paunang imbestigasyon na hindi naman sinasadya ang insidente at walang teroristic act na nangyari.
Patuloy naman na inaalam kung ano ang pinagmulan ng naturang pagsabog.