LEGAZPI CITY – Wala ng buhay ng matagpuan ang isang nawawalang menor de edad matapos na maligo sa ilog ng Barangay Inascan, Guinobatan, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Guinobatan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Head Joy Maravillas,bandang alas-3:00 ng hapon ng makatanaggap ng tawag ang tanggapan kaugnay sa pinaghahanap na 13-anyos na batang lalaki matapos na malunod sa naturang lugar.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng search and retrieval operations.

Pagsapit ng pasado alas-5:00 ng hapon ay nakuha na ang katawan ng biktima ng isang residente na tumulong sa paghahanap.

Una rito ay napag-alaman na umaga pa umano naligo ang biktima habang nagpapaanod sa naturang ilog kasama ang mga kapwa kabataan.

Sa pagbabahagi ng ama ng biktima, bandang alas-12:00 ng tanghali ay hinanap na ang anak at sa pagtanong sa mga kasamahan na pauwi na ay naliligo pa umano ang menor de edad.

Ayon kay Maravillas, malapit lang ang bahay ng biktima sa ilog at palagi umanong naliligo dito kaya hindi inakala ng ama na mangyayari ang naturang insidente.

Napag-alaman na malalim ang naturang ilog kaya delikado lalo na sa mga kabataan at posibleng malakas ang agos ng tubig ng mangyari ang insidente.

Abiso na lang ng opisyal sa mga magulang na bantayan ng mabuti ang kanilang mga anak upang maiwasan na masangkot sa trahedya.