LEGAZPI CITY – Mahigit na sa 1,200 pasahero ang naitalang stranded sa limang pangunahing pantalan sa Bicol batay sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense Bicol.
Karamihan sa mga ito, mula sa Matnog, Sorsogon na nasa 746; Tabaco City, Albay – 330; Pioduran, Albay – 134; Pilar, Sorsogon – 36 at San Andres, Catanduanes – 15.
Sa mga rolling cargoes mayroong 236, pinakamarami pa rin sa Matnog Port na may 119; sa Pilar Port 54; Pioduran, Albay 42; Tabaco, Albay 12 at Sa San Andres, Catanduanes 9.
Nasa tatlong barko naman ang stranded stranded kung saan dalawa(2) sa Pilar at isa(1) sa San Andres, Catanduanes.
Anim na barko naman ang pansamantalang nag-shelter kung saan dalawa(2) sa Matnog, isa sa Pioduran, at tatlo(3) sa Tabaco, Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OCD Bicol spokesperson Gremil Naz, naka-red alert ngayon ang buong tanggapan maging ang iba pang partner response agency upang magbigay ng asistensya sa mga apektado.
Naka-standby naman 24/7 ang response asset ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol para sa paghahanda ng mga food packs na ipamimigay sa mga bayan na kukulangin ng suplay.
Samantala, abiso ni Naz sa mga residente na maging alerto at lumikas sa ligtas na lugar kung kinakailangan.