LEGAZPI CITY—Patuloy ang operasyon ng mga awtoridad upang apulahin ang isang malawakang wildfire sa Kalimantan, Indonesia.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Indonesia Reste Compañero, sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, gumagamit ang mga awtoridad ng mga helikopter upang mabawasan ang pagkalat ng apoy.
Aniya ilang bahay malapit sa mga bundok ang nadamay na rin at inilikas na ang ilang residente sa lugar.
Dagdag pa niya na hindi makabiyahe ang mga transportasyon sa lugar at apektado nito ang trabaho ng mga manggagawa.
Mayroon ding mga may nagkakasakit dahil sa haze, gayunpaman, walang naitalang nasawi sa sunog sa kasalukuyan.
Samantala, bukod sa Pilipinas, naapektuhan din ng haze ang mga bansa tulad ng Malaysia at Singapore.











