LEGAZPI CITY- Walong pamilya ang naapektuhan ng nangyaring sunog sa Barangay Tamba Poblacion, Aroroy, Masbate.
Ayon kay Aroroy Bureau of Fire Protection Fire Marshall Chief Inspector Randy Ramos sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na walong tahanan ang naapektuhan sa naturang sunog.
Mabilis umanong kumalat ang apoy dahil sa malakas na hangin at gawa lamang sa light materials ang naturang mga kabahayan.
Nabatid na nahirapan ang mga bumbero na pumasok sa naturang area dahil sa masikip na daan kaya malaking tulong umano ang maagap na pagrespunde ng binuong volunteer fire brigade.
Sa kasalukuyan ay patuloy pang iniimbestigahan kung ano ang pinag-ugatan ng naturang sunog.
Nabatid na walang suplay ng kuryente sa naturang lugar ng mangyari ang insidente.
Samantala, ayon kay Ramos na nananatili ngayon ang mga apektadong pamilya sa evacuation center ng barangay.
Ayon pa sa opisyal na agad naman na nagtungo sa mga biktima ang alkalde ng naturang bayan gayundin ang Department of Social Welfare and Development upang magpaabot ng tulong mga apekadong pamilya.