The Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office V honored eight Local Governments that received the "Bilangay Seal of Excellence" for the month of July 2025.

LEGAZPI CITY – Pinarangalan ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office V ang walong Lokal na Pamahalaan na tumanggap ng “Balangay Seal of Excellence” para sa buwan ng Hulyo 2025.

Ayon kay PDEA Bicol Spokesperson Carlo Fernandez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ang kanilang pasasalamat sa mga lungsod at munisipyo na walang sawang sa pagpapatupad ng Barangay Drug Clearing Program (BDCP) sa kanilang nasasakupan.

Kabilang sa mga listahan ng LGUs na nakatanggap ng nasabing pagkilala ay ang Camalig, Albay; Sorsogon City, Sorsogon; Goa, Camarines Sur; Caramoan, Camarines Sur; Magarao, Camarines Sur; Lagonoy, Camarines Sur; Sagnay, Camarines Sur; at Gainza, Camarines Sur.

May mga nakatakda pang awarding ngayong buwan ngunit hinihintay pa nila ang listahan na ilalabas ng kanilang National Headquarters at depende sa schedule ng LGU para sa ceremonial awarding.

Sinabi ng opisyal na ang kinakailangan para sa nasabing karangalan ay drug cleared City/Municipality at nakikita silang nagsusumikap sa paglaban sa iligal na droga.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy din ang kanilang monthly Regional Oversight Committee (ROC) matapos itong itigil dahil sa election spending ban habang ikinatutuwa naman niya na dumarami na ang nagsusumite ng kanilang mga rekisito para ideklara ang kanilang lugar bilang drug cleared barangay.

Nilinaw din niya na hindi nila ito ginagawa para mahirapan ang mga umuulit na aplikante ngunit nais lamang nilang makumpleto ang mga papeles na kailangan para maideklarang ligtas ang kanilang lugar sa pagkakaroon ng ilegal na droga.

Iginiit din ni Fernandez na nagpapatuloy din ang kanilang anti-clearing operation sa iba’t ibang bahagi ng Bicol region para arestuhin at makulong ang mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga.