LEGAZPI CITY – Itinakbo sa pagamutan ang nasa walong katao kabilang na ang mismong punong barangay ng Mayngaway, San Andres, Catanduanes matapos na mabiktima ng food poisoning.
Ayon kay Olga Manlangit, sanitary officer ng San Andres LGU sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at diarrhea ang naturang mga indibidwal.
Suspetsa ng mga pasyente, posibleng dahilan ng food poisoning ang handa sa dinaluhang kasalan.
Nabatid na maaga pa umanong inihanda ang mga pagkain subalit dahil sa init ng panahon, maaring napanis na ang ilan sa pagsapit ng hapon.
Lima sa mga naturang pasyente ang mula sa Barangay Barihay, dalawa sa Bagong Sirang at isa sa Mayngaway.
Sa ngayon, nasa ligtas na lagay na rin ang mga ito.