LEGAZPI CITY – Laking pag-aakala ng Public Safety Office na nasusunod ng tama ng lahat ng public utility jeepneys ang mga ipinapatupad na mga health protocols laban sa COVID-19 sa lungsod ng Legazpi.
Ayon kay Legazpi PSO Chief Rolly Esguerra sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi ikinatuwa na sana nila ng makitang nakasuot ng face mask at face shield ang lahat ng pasahero ng mga PUJs.
Subalit hindi inakalang diskarte lamang pala ito ng mga wais na driver kung saan pinapahiram ng face shield ang mga pasaherong walang suot upang makalusot sa mga checkpoint at hindi matiketan.
Nadiskubre ito matapos makita sa isang PUJ ang bag na maraming laman ng mga gamit ng face shield.
Mahigpit kasing ipinapatupad sa lungsod ang ”no face shield, no ride policy” bilang pag-iingat sa pagtuloy na banta ng COVID-19.
Binigyang diin ni Esguerra na labis na delikado ang ginawa ng driver maging ng mga pasaherong pumayag na magsuot ng gamit ng face shield dahil maaari itong maging dahilan ng lalo pang paglobo ng COVID-19 infections.
Suhestiyon sa mga driver na ibenta na lamang ang mga face shield kesa ipahiram sa iba’t-ibang pasahero bilang kanilang dagdag kita na rin at makaiwas pa sa pagpakalat ng sakit.