LEGAZPI CITY- Muling inabisuhan ng Philippine Intitute of Volcanology and Seismology (PHVOLCS) ang mga residenteng nakatira sa loob ng 7km-8km Extended Danger Zine sa Timog at Timog-Silangang bahagi ng bulkang Mayon partikular na sa lungsod ng Legazpi, at mga bayan ng Daraga at Sto. Domingo na dapat ay nakahanda na sakaling kailanganin nang lumikas.

Ito’y matapos na makumpirma ng ahensya na mayroong pagtaas sa volcanic activities ng bulkan, at kaugnay ng naitalang volcanic tremors.

Palwanag ni Dr. Paul Alanis, resident volcanologist PHIVOLCS sa panayam ng panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang volcanic tremors ay ang pagyanig dahil sa ‘gas bubbles’ ng bulkang Mayon na nagco-collapse habang gumagalaw ang magma sa ilalim o sa loob ng bulkan.

Dahil sa aktibidad, mahigpit na binabantayan ng ahensya ang magiging estado o sitwasyon ng naturang parametro kung lalakas, dadami o magtatagal pa ang pagyanig dahil indikasyon aniya ito na mayroong ‘magmatic activity” o namumuong pressure sa ilalim na posibleng i-release at magresulta sa pagputok.

Ngunit, nilinaw naman ng opsiyal na sa kasalukuyan ay mahihinang tremors pa lamang umano ang naitatala.

Samantala, nananatiling nasa alert level 3 ang bulkang Mayon, at tatlong parametro ang tinitingnan sa pagdedesisyon kung itataas na ito sa alert level 4.

Kabilang dito ay kung lumakas pa ang maitatalang volcanic tremors, inflation o patuloy na pamamaga ng bulkan at kung tumaas ang maitatalang sulfur dioxide.