LEGAZPI CITY- Bahagyang bumaba ang naitalang volcanic earthquakes sa bulkang Bulusan sa nakalipas na magdamag.
Batay sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nasa anim na volcanic quakes na lamang ang naitala na mas mababa kumpara sa 23 quakes kahapon.
Matatandaan na hanggang sa kasalukuyan ay nakataas pa rin ang alert level 1 status sa bulkang Bulusan kaya normal lamang ang paminsan-minsan na mga aktibidad nito.
Una na ring siniguro ng ahensya na patuloy silang nakatutok sa mga parametrong binabantayan lalo pa at hindi inaalis ang posibilidad na magpatuloy ang mga aktibidad nito.
Samantala, nagpaalala naman ang Phivolcs na ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa 4km radius permanent danger zone.