LEGAZPI CITY – Umaabot na sa mahigit 600 ang mga volcanic earthquakes na naitatala sa paligid ng Bulkang Bulusan magmula pa nitong Enero.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mariton Bornas ang Chief ng Volcano Monitoring and Erruption Prediction Division ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, halos araw-araw ng nakakapagtala ng mga pagyanig sa paligid ng bulkan na karamihan ay mahihina lamang subalit pinakamataas ay umaabot naman ng magnitude 3.1.
Patuloy rin na namamaga ang Timog Silangang bahagi ng bulkan na indikasyon na mayroon pa ring namumuong pressure dahil sa umaakyat na magma.
Subalit sa kabila nito, wala pa umanong nakikitang dahilan ang ahensya upang itaas na ang alert status ng bulkan na kasalukuyang nasa level 1.
Bagaman patuloy ang mga abnormal na aktibidad nito, hindi naman nakikitaas ng mabilis na pagtaas.
Samantala mahigpit pa rin na ipinagbabawal ng ahensya ang pagpasok sa 4km permanent danger zone ng bulkan dahil sa posibilidad na phreatic erruption at panganib na dala ng mga aktibidad nito.