LEGAZPI CITY – Hindi lang pananatili ng paz y orden at seguridad ang ibinibigay na serbisyo ng kapulisan sa bayan ng Virac sa Catanduanes kundi tinutulungan din ang mga kabataan na matutong magbasa at magsulat.

Kasunod ito ng inilunsad na Mobile Brigada Pagbasa ng Virac Municipal Police Station katuwang ang mga volunteer teachers at iba pang stakeholders.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PSSgt. Renen Delos Reyes, information officer ng Virac PNP, noong nakaraang buwan pa nagsimula ang programa na sakto sa bakasyon ng mga mag-aaral.

Nilalayon nito na maging produktibo ang mga kabataan habang bakasyon imbes na magliwaliw o nakatutok lang sa selpon gayundin mailayo sa mga masasamang bisyo.

Una rito, nagsagawa muna ng reading assessment upang malaman ang mga posibleng benepisyaryo upang hindi mapag-iwanan sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.

Nasa anim na barangay na ng bayan ang nabisita ng Mobile Brigada Pagbasa team kung saan tatlong beses bawat linggo nagsasagawa ng pagtuturo.

Ayon kay Delos Reyes, malaki ang naging tulong ng proyekto dahil hindi lang mga kabataan ang gustong matuto kundi maging ang mga matatanda na hindi pa marunong magbasa at magsulot.

Nilinaw ng opisyal na mga LET passer na miyembro ng kapulisan at volunteer teachers ang nagtuturo, kung kaya’t kumpiyansa na matuturuan ng tama ang mga bata.

Samantala, maliban sa pagtuturo nagbibigay din ng libreng konsutlason, bitamina at nagpapakain sa mga batang benepisyaryo ng Mobible Brigadan Pagbasa kasama ang kanilang mga magulang.