LEGAZPI CITY – Muling inilunsad ang vaccination campaign sa bayan ng Pio Duran matapos na isa na namang indibidwal ang namatay sa rabies.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Noel Ordoña ang head ng Pio Duran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, naglilibot na sa Barangay Santo Cristo ang team ng veterinary office upang magbigay ng anti-rabies vaccines sa mga aso at residenteng naging close contact ng namatay.
Hindi pa malinaw sa ngayon kung papanong nakagat ng aso ang 9 anyos na lalaking biktima.
Aminado si Ordoña na may mga nangangamba sa sitwasyon lalo pa at pangalawang beses na itong may namamatay dahil sa rabies.
Subalit tiniyak naman ng opisyal na ginagawa na ng gobyerno ang kanilang makakaya upang hindi na madagdagan pa ang biktima ng rabies.
Panawagan naman ng nito sa mga residente na agad na magpakonsulta sa doktor sakaling makagat ng aso.