LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng pagkagalak ang US Navy at Korean Navy matapos itong makiisa at makisaya sa pormal na pagbubukas ng Ibalong Festival sa lungsod ng Legazpi.
Makulay ang naging programa na sinimulan sa pagsasagawa ng parada na dinaluhan ng iba’t ibang mga tanggapan ng pamahalaan, mga mag-aaral, uniformed personnel at iba pang stakeholders.
Kung babalikan, ito ang unang pagkakataon na muling maipagdiriwang ang Ibalong festival na nakansela sa nakalipas na apat na taon dahil sa pandemya at pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay US Navy Captain Daniel Keeler, Mission Commander Pacific Partnership 2024, sinabi nito na naramdaman nila na bahagi sila ng komunidad kaugnay ng masayang kapistahan.
Sigurado umano na ibabahagi nila ang magandang karanasan nila sa kanilang mga kaibigan at mga mahal sa buhay sa kanilang pagbabalik sa Estados Unidos.
Matatandaan na nasa lungsod ngayon ang US at Korean navy para sa nagpapatuloy na Pacific Partnership 2024.