LEGAPI CITY– Handa ang buong ahensya ng City Disaster Risk Reduction and Management Office sa Legazpi City sa anumang epekto ng sobrang init ng panahon partikular na ang magiging epekto ng El Niño.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Engr. Miladee Azur, Legazpi CDRRMO Head, naka-ready na ang mga tauhan ng 911 at maging ang ambulansya ng City Health Office upang magresponde sa anumang emergency ngayong mga panahon.

Ito ay kaugnay nang naitalang 50 degrees celcius na heat index ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa lungsod, nitong byernes, Mayo 12.

Samantala, sinabi ng opisyal na may sariling automated system ang CDRRMO upang kakulahin ang init ng panahon kung saan sa kaparehong araw kung saan naitala ng PAGASA ang 50 degrees celcius, 44 degrees celcius lamang umano ang lumabas sa kanilang weather system.

Ngunit sa kabila nito, aminado rin si Azur na talagang mas mainit ang naramdamang panahon nang naturang araw dahil sa maraming factor o salik, kasama na rito ang nangyaring maghapon na brownout mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi, kung saan maraming mga gusali at mga bahay ang gumamit ng generator na nakadagdag pa umano sa heat emission.

Sa kabilang banda, bumubuo na rin aniya ng mga contigency at mitigation plan aang ahensya para maiwasan ang heat stress, kung saan maliban sa mga short tem na paraan kailangan ring magkaroon ng long term na plano, kasama na ang Urban Greening o Urban Vegetation at ang Urban design.

Paliwanag ng opisyal ang Urban Vegetation ay ang pagtatanim ng kahit na anong halaman, puno o maging mga gulay kahit pa sa simpleng mga recycled plastic bags at mga lalagyan, aniya sa ganitong paraan mababawasan ang init at magkakaroon pa ng preskong hangin.

Samantala ang Urban design naman ay ang pagkakaroon ng mga bubong na may pinturang puti o “light colors”, sa pamamagitan nito umano ay magre-reflect ang init mula sa araw, imbis na ma-absorb.