LEGAZPI CITY – (Update) Todo-pasasalamat ngayon ang kontrobersyal na Bicolano vlogger matapos na makausap ang mall management sa Legazpi City at mapagbigyan sa pakiusap na hindi na kasuhan sa ginawa.
Si Marlon de Vera o mas kilala bilang “Uragon vlogger” ang sangkot sa viral video ngayon ng umano’y 2019 novel coronavirus prank sa isang kilalang mall sa lungsod.
Paliwanag ni de Vera sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, iba ang interpretasyon ng netizen na kumuha ng video habang nagsu-shoot sa labas ng mall.
Nilinaw nitong imbes na “coronavirus prank”, parody aniya ng nangyari ng lasing na Koreano na humandusay sa kalsada sa Parañaque ang ginaya.
Wala rin aniya itong ibang intensyon sa ginawa kundi makapagpasaya subalit mistulang uminit lang ang isyu dahil sa nCoV outbreak.
Sa kabilang dako sa ibinigay na second chance, nais nitong baguhin ang content sa channel at gawing mas makabuluhan para sa mga kababayan.
Samantala, makikiusap rin ito sa Legazpi City PNP upang hindi na ituloy ang inihahandang asunto laban dito dahil sa alarm and scandal.