LEGAZPI CITY – Iminungkahi ng United Broilers and Raisers Association (UBRA) na kung maaari ay si President-elect Bongbong Marcos na muna ang humawak ng Department of Agriculture (DA) hangga’t wala pang napipili na maging kalihim nito.
Ganito aniya ang ginawa ni dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na siya munang namahala sa naturang ahensya sa loob ng isang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay UBRA President Bong Inciong, pwedeng gawin din ito ni Marcos at may posibilidad na magtagumpany basta dingin ang mga panawagan at mungkahi ng iba’t-ibang farm organization.
Ayon kay Inciong, maraming plano sa ilalim ng Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997 na makakatulong tulad ng konsultasyon sa mga sektor at kinakailangan na makagawa ng National Information Network o Data Information System.
Ito ay upang malaman ng lahat ng producers at importer ang supply situation; matiyak na nagbabayad ng taripa at naipamamahagi ng tama ang mga ayuda.
Nakapaloob din sa naturang batas na may mga mandato na dapat na lokal na pamahalaan ang nag-iimplementa upang haharapin na lamang ng DA ang mga hindi kayang gawin ng LGU.
Sa pamamagitan nito mas mabilis na malaman kung sakaling mayroong korapsyon sa partikular na lalawigan at hindi na nasyunal ang scoop.
Pagdidiin ni Inciong na nandiyan na ang mga hakbang na makakatulong sa paglago ng agrikultura subalit kulang lang ng implementasyon.