LEGAZPI CITY – Hiniling ng ACT Teachers Partulist na imbestigahan ang umano’y sinasabing kasunduan ng China at ng dating administrasyong Duterte na may kinalaman sa usapin sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, iginigiit ng China ang naturang kasunduan na posibleng dahilan kung bakit mas lumakas ang loob na angkinin ang disputed waters.
Mapapansin din aniya kung gaano nagpahayag ng suporta ang China sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Castro, nakakaduda ang ganitong mga kasunduan o ‘secret deal’ lalo pa’t ang teritoryo at soberanya ng Pilipinas ang nakataya.
Nanawagan din ito sa dating Pangulo na hanggang ngayon ay nananatiling tikom ang bibig na linawin sa publiko ang mga akusasyong ‘secret deal’ sa pagitan nila ng China.
Binigyang diin ng mambabatas na mahalagang magpalabas ng pahayag ang dating Pangaulo lalo na ngayong patuloy na tumitindi ang nangyayaring tensyon sa West Philipine Sea at mas nagiging agresibong aksyon ng China Coast Guard.