LEGAZPI CITY- Ikinatuwa ng grupong United Broiler Raisers Association (UBRA) ang pagpapalabas ng Senado sa listahan ng mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa kalakaran ng illigal smuggling sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Bong Inciong ang Presidente ng UBRA, magandang nagkaroon na ng resulta ang mga pagdingig na isinagawa ng Senado na inaasahang makatutulong ng malaki upang mapigilan na ang smuggling sa Pilipinas na dahilan ng paghihirap ng maraming lokal na magsasaka.
Isa kasi umano ang mga smuggled products sa malaking kakompetensya ng mga produkto ng mga magsasakang Pilipino na madalas pang ibinebenta sa mas murang halaga.
Subalit aminado si Inciong na nakukulangan pa sa ipinalabas na listahan ng Senado lalo pa at hindi pa umano kasama rito si Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na may command responsibility sa sektor ng agrikultura sa bansa.
Kung titingnan kasi, si Dar umano ang dapat na unang kwestyonin sa nasabing anomalya at hindi ang mga opisyal na nasa ilalim nito.
Panawagan naman ng grupo sa papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. na matutokan ang isyu at tuloyang ng tanggalin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.