LEGAZPI CITY-Agad na inilikas sina U.S President Donald Trump, First lady Melania Trump at iba pang panauhin matapos makarinig ng malalakas na putok at pagsabog sa ginanap na White House Correspondents’ Dinner sa Washington Hilton sa Washington, D.C.
Biglang nagtakbuhan ang mga dumalo rito habang naririnig ang sunod-sunod na malalakas na ingay mula sa mga putok ng baril, kung saan agad namang rumesponde ang pulisya sa paligid ng hotel.
Nagpasalamat si Trump sa mabilis na aksyon ng Secret Service at Law Enforcement matapos ang insidente.
Ayon kay Trump, agad na naaresto ang suspek at pinuri niya ang tapang at kahandaan ng mga awtoridad sa pagresponde sa sitwasyon.
Inanunsyo rin ng US President na agad nilang nilisan ang venue at sinabing magsasagawa siya ng press conference sa White House kasama si First Lady Melania Trump, Vice President JD Vance at kanyang mga gabinete upang magbigay ng opisyal na pahayag.
Tiniyak din ni Trump na ligtas at nasa maayos na kalagayan ang First Lady, Vice President, at lahat ng miyembro ng gabinete.
Dagdag pa niya, nakausap na niya ang mga organizer ng event at napagkasunduang ipagpaliban at muling isagawa ang event sa loob ng 30 araw.











