LEGAZPI CITY – Nakahanda na ang mga ipapamigay na cash incentives ng Sangguniang Panlalawigan ng Sorsogon para sa mga atletang nakapagbulsa ng medalya sa katatapos pa lang na Palarong Pambansa 2023.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sorsogon Provincial Government spokesperson Dong Mendoza, kasabay ng pagbabalik ng mga magagaling na atleta sa lalawigan ay inanunsyo rin ang mga ipamimigay na insentibo.

Malaking karangalan ang bitbit ng naturang mga atleta mula sa lalawigan dahil sila ang pinakaunang nakasungkit ng tatlong gintong medalya, dalawang silver at tatlong bronze para sa rehiyong Bicol.

Makakatanggap ng insentibo na P50,000 ang mga nakapag-uwi ng bronze medal; P75,000 naman sa mga silver medalists; at tumataginting na P100,000 para sa mga gold medalists.

Nilalayon ng naturang programa na mas mahikayat na ipagpatuloy ang nasimulan at mas pag-igihan pa ng mga atleta na makapag-uwi ng mga medalya para sa mga darating pang Palarong Pambansa.

Sa ngayon, isinasapinal na ang lahat ng mga kinakailangang dokumento para maibigay na ang mga cash incentives sa mga atleta.