LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Diocese of Virac sa Catanduanes na tuloy ang selebrasyon ng Semana Santa ngunit asahan na umano ang ilang innovations na epekto ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Luzon dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa pagpasok ng Semana Santa mula Abril 5 hanggang 12, naglatag ng ilang paalala ang Simbahan.
Sa anunsyo ng Diyosesis, livestreaming ang isasagawa kaya’t nakiusap itong ilabas ng ilang kabahayan ang kanilang sound system upang makapakinig rin ang iba.
Kahit nasa bahay lang, kailangan pa rin aniyang ihanda ang sarili, lugar, maayos na pananamit maging ang mesa na paglalagyan ng krus at kandila.
Sa Domingo de Ramos, alas-5:00 ng umaga, alas-8:00 ng umaga at alas-6:00 ng gabi ang nakatakdang misa kung saan magkakaroon ng pagbendisyon sa mga palaspas na ilalagay sa inihandang mesa o altar.
Alas-4:00 ng hapon naman ang misa sa Huwebes Santo ngunit hindi na idadaos ang nakagawiang paghugas sa mga paa ng disipulo habang may livestreaming rin sa social media mula alas-10:00 hanggang alas-12:00 ng hatinggabi para sa iba pang pagdiriwang na kakabit ng Holy Week.
Sa Biyernes Santo, tuloy ang pag-aalala sa Passion of Christ dakong alas-3:00 ng hapon at alas-8:00 naman ang misa sa Sabado de Gloria.
Giit ng Simbahan na ang naturang misa ang pinakamahalaga sa liturgical calendar kaya’t kinakailangan ang pagdalo sa misa sa livestreaming.
Sa Easter Sunday, may schedule rin ng misa dakong alas-5:00 at alas-8:00 ng umaga na susundan ng isa pang misa alas-6:00 ng gabi.
Pinaghahanda naman ng kandilang may sindi ang mga Katoliko at pagsagot sa mga tanong ukol sa pagbago ng panunumpa.
Ayon pa sa pamunuan ng Simbahan, ibabalik lamang ang dating pagdiriwang sakaling maisa-normal na ang sitwasyon.