LEGAZPI CITY – Nilinaw ngayon ng isang mambabatas na hindi applicable sa ilang lokal na pamahalaan ang “sana all” sa matatanggap na tulong dahil sa krisis na dulot ng coronavirus disease (COVID-19).
Nakadepende umano ang assistance na iniaabot ng mga LGU sa kapasidad ng tanggapan at pangangailangan ng taong bibigyan.
Ayon kay Albay 3rd District Rep. Fernando Cabredo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mas binibigyang-prayoridad ngayon ang mga kwalipikado sa tulong kagaya ng mahihirap na kababayan.
Kung susundin umano ayon kay Cabredo ang “sana-all assistance”, maaring maging kalahating kilo na lamang ang dapat sana’y 10 kilong bigas na inilalaan sa mga kwalipikado sa tulong.
Ayon pa kay Cabredo, mas apektado ang mga daily wage earners kagaya ng pedicab at tricycle drivers, na walang kita matapos na pigilan ang pagpasada.
Humingi rin si Cabredo ng pang-unawa lalo pa’t limitado aniya ang kapasidad sa pamumudmod ng tulong.
Sa katunayan, ilang barangay officials na rin umano ang lumapit at nagsabing sariling pera na ang ginagastos upang hindi magutom ang mga nasasakupan.