LEGAZPI CITY—Nagkasagupaan ang mga miyembro ng New People’s Army at Philippine Army sa boundary ng Barangay Namantao at Barangay Maopi, Daraga Albay.
Ayon kay 9th Infantry Battalion Philippine Army Division Public Affairs Office Chief Major Frank Roldan, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, tumagal ng halos 10 minuto ang engkwentro bago nakatakas ang mga nasabing rebelde.
Dagdag pa ng opisyal, bilang resulta ng pagpapatuloy ng kanilang operasyon, nadiskubre ng kanilang mga sundalo ang anim na iba’t ibang uri ng baril na pag-aari ng nasabing rebeldeng grupo.
Batay sa ulat, umabot umano sa limang miyembro ng NPA ang nakasagupa ng tropa ng gobyerno.
Sinabi rin ni Roldan na isa sa mga miyembro ng rebeldeng grupo ang naaresto sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad.
Samantala, nanawagan ang opisyal sa mga miyembro ng rebeldeng grupo na magbalik-loob na sa gobyerno at itigil na ang kanilang mga aktibidad na nagdudulot ng takot at kaguluhan sa mga lugar na kanilang binibisita.