LEGAZPI CITY – Hindi pa man natatapos ang dalawang araw na transport strike, inihayag na ng ilang grupo sa transportasyon ang planong paglulunsad ng panibagong tigil pasada sa mga susunod na araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mody Floranda ang Presidente ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide, nakikipag-ugnayan na sila sa MANIBELA para sa ilulunsad na panibagong transport strike.

Layunin umano nito na maipaabot ang panawagan sa gobyerno na suspendihin muna ang jeepney modernization program partikular na ang planong pagphase out sa mga lumang jeep at ang consolidation.

Inihayag naman ni Floranda na naging matagumpay ang unang araw ng kanilang transport strike kung saan halos lahat umano ng mga ruta sa National Capital Region ang naparalisa.

Ngayong Martes ang pangalawang araw ng tigil pasada kung saan magsasagawa ng caravan ang mga transport groups bitbit ang panawagan na palawigin pa ang deadline ng jeepney consolidation na nakatakda ngayong Abril 30.