LEGAZPI CITY – Isinusulong ngayon ng ilang transport groups ang pagwidraw ng mga tsuper mula sa mga asosasyon na nabuo dahil sa jeepney consolidation.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mody Floranda ang Presidente ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), nakikipag-usap na ang kanilang grupo sa ibat ibang mga transport groups upang alamin ang sitwasyon ngayon ng mga jeepney drivers.
Karamihan kasi ng mga tsuper ay nagrereklamo na bumagsak na ang kanilang kita dahil hindi na pagmamay ari ang minamanehong jeep.
May ilan rin na nangangambang mawalan na ng kabuhayan habang ang iba ay nauwi pa sa demandahan.
Dahil dito nakikipag-ugnayan na ngayon ang transport group sa mga tsuper sa ibat ibang bahagi ng bansa upang matulongan sa kinakaharap na problema.
Pursigido rin ang grupo na isulong ang panawagan sa gobyerno na huwag ng ituloy pa ang modernization program para sa mga jeep na makakaapekto umano sa kabuhayan ng mga tsuper.