LEGAZPI CITY – Tinawag ng isang transport group na band-aid solution lamang ang plano ng pamahalaan na pagbibigay subsidiya sa mga pampublikong driver at operator sa bansa na maikli ang ruta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay National Public Transport Coalition head Ariel Lim, aabot sa bilyong piso na pondo ang magagastos subalit hindi lahat mapapaboran.
Binigyang diin nito na tanging mga modernized jeepney lamang ang mapapaboran sa naturang programa.
Ayon kay Lim, pag-sinabing subsidiya dapat lahat ay makatanggap at hindi lamang mga pili dahil hindi patas.
Lalo pa’t lahat ng driver at operator ay apektado ng oil price hike at maging ng matataas na mga bilihin.
Aniya, kawawa rin ang mga nasa probinsya dahil hindi sakop ng naturang subsidiya na kung iisipin ay mas mahal pa ang presyuhan ng mga produktong petrolyo dito.
Para kay Lim dapat na pag-isipan ng mabuti ng pamahalaan ang ganitong mga hakbang na kung saan dapat ay walang maiiwan.
Matatandaang aabot sa P1.2 billion service contracting budget ang ilalaan ng Department of Transportation na subsidiya para sa ilang mga driver at operator.