LEGAZPI CITY – Suportado ng ilang transport groups ang isinusulong ngayon ng Senado na suspendihin ang implementasyon ng Public Transport Modernization Program.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mody Floranda ang pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide, tama lamang na suspendihin na muna ang programa dahil sa mga nakikitang problema dito kagaya ng kawalan ng maayos na plano kung saan bibilhin ang modernized jeepney.
Problema rin ang sistema sa pagpapasahod sa mga drivers na pumasok sa asosasyon at nawalan ng sariling jeep.
Ayon kay Floranda, ito ang nagiging problema ng mga jeepney drivers at operators na pumasok na sa asosasyon.
Panawagan ni Floranda na bago ituloy ng gobyerno ang programa ay tiyakin munang napag-aralan na ito ng maayos at hindi magdudulot ng problema sa mga nasa sektor ng transportasyon.