LEGAZPI CITY – Tutul ang grupo ng mga jeepney drivers at operators sa isinusulong ng Senado na suspendihin ang Public Transport Modernization Program ng gobyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ramon Dealca ang pangulo ng grupong Sorsogon Integrated Transport Federation, ikinadismaya ng mga tsuper at operators ng lalawigan ang pabago-bagong desisyon ng mga opisyal ng gobyerno.
Kung kailan umano nakabili na ng 145 na units ng modernized jeepney at nakapagsimula na sa pamamasada, saka naman isinusulong ang suspensyon ng programa.
Ayon kay Dealca, marami sa kanilang miyembro ang mas natutuwa sa modernized jeep dahil air conditioned, may resibo ang pamasahe at mas komportable sa mga pasahero.
Mayroon rin na benipisyo ang mga pagtatrabaho sa modernized jeep kagaya ng Social Security System, may overtime pay at arawan ang pasahod.
Panawagan ni Dealca sa gobyerno na pag-aralan muna at huwag magpabago-bago ng desisyon upang hindi naman maapektohan ang kabuhayan ng mga drivers at operators.