LEGAZPI CITY – Nakahanda na ang Sorsogon Integrated Transport Federation (SORINTRAFED) para sa pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa darating na Hulyo 29.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ramon Dealca, ang Presidente ng nasabing grupo mahigit sa 600,000 na mga jeepneys ang magbibigay serbisyo sa mga commuters at karamihan umano rito ay mga modernized na matapos na magbukas ang ilang mga kooperatiba sa probinsya.
Ayon sa opisyal, halos lahat na mga jeep sa 2nd District ng Sorsogon ay modernized na kabilang na ang Bulan, Irosin, Sta. Magdalena at Matnog.
Sa 1st District naman ay nagbukas na rin kamakailan lang ang Bulusan Transport Service Cooperative (BULTRASCO) o ito yung byaheng Bulan-Cumadcad.
Inihayag ni Dealca, na pangunahing prayoridad pa rin ng mga tsuper ang kaligtasan ng mga pasahero lalo na ng mga estudyante.
Binigyang-diin rin nito na walang magiging pagbabago sa pamasahe kahit modernized na ang mga jeepneys sa iba’t ibang lugar sa probinsya.
Samantala, siniguro naman ng opisyal sa publiko na sapat ang mga jeepneys na babiyahe at nakahanda umano sila na pagsilbihan ang mga commuters ngayong darating na pasukan.