LEGAZPI CITY- Ikinadismaya ng transport group ang anunsyo ni President elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na hindi ikinokonsidera pa ang pagsuspendi ng mga buwis sa produktong petrolyo.

Sa kabila ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil sa mataas na demand sa world market dala ng gera ng Russia at Ukraine.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mody Floranda ang Presidente ng PISTON, ikinalulungkot umano ng mga tsuper ang desisyong ito ng incoming president lalo pa’t marami sa kanilang sektor ang umaasang mapapababa ng hakbang ang presyo ng petrolyo.

Reklamo nito na umaabot na sa P300 hanggang P400 ang nawawala sa kanilang kita dahil sa mahal na presyo ng petrolyo.

Panawagan na lang nito sa susunod na administrasyon na madaliin na ang pagbibigay ng fuel subsidy na hanggang sa ngayon umano ay hindi pa rin natatanggap ng karamihan sa kanilang miyembro.