LEGAZPI CITY – Ibinabala ng transport group na posibleng sila na mismo ang magdeklara ng dagdag singil sa pamasahe dahil sa hindi pag-aksyon ng gobyerno sa serye ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) President Orlando Marquez, disido silang magdagdag ng piso sa pamasahe kahit walang kautusan mula sa LTFRB.

Handa umanong makulong si Marquez kung ang ipinaglalaban naman ay kapakanan ng sektor ng pampublikong tranportasyon na bagsak na ang kabuhayan sa gitna ng sunod-sunod oil price hike.

Aniya, sila na ang gagawa ng paraan kesa walang maiuwi sa pamilya at mamatay na lang sa gutom.

Pagdidiin ni Marquez, patuloy na nagbibingi-bingihan ang mga nasa pwesto para umaksyon at mabawasan ang pasanin ng sektor ng pampublikong transportasyon.

Tinawag din nitong pangloloko ang ipinangakong fuel subsidy ng gobyerno sa mga PUV drivers.