LEGAZPI ICITY – Kalinawan ang kahilingan ngayon ng mga transport group kaugnay sa nakatakdang implementasyon ng pamahalaan sa Public Utility Vehicles Modernization Program.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay The Passenger Forum Convenor Primo Morillo, dapat na magkaroon ng partikular na plano lalo na sa usapin ng pag-phase out ng traditional jeepney.
Diin nito pwede rin naman na mag co-exist ang modern jeepney at traditional jeepney kung saan hindi na kinakailangan na nakatutok lang ang atensyon sa modernisasyon.
Para sa grupo, modernisasyon ng proseso at sistema tulad ng boundary system at safety concerns ang kinakailangang unahin.
Pabor din si Morillo sa consolidation ng prangkisa dahil kinakailangan na umusbong ang relasyon ng operator at tsuper upang mawakasan ang boundary system.
Sa pamamagitan aniya nito magiging employed na ang mga tsuper at magkakaroon pa ng benepisyo maging ng insurance.
Subalit ang pinangangambahan ng grupo ay maging corporatization ito imbes na simpleng consolidation lamang kung sakaling pumasok ang mga malalaking kompanya at kunin ang mga prangkisa.
Ito aniya ang dapat na linawin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang mawala ang agam-agam ng mga nasa pampublikong transportasyon.